Pinalaya na ng Yemen’s Houthis ang crew ng Eternity C, ang Greek-operated cargo ship na lumubog sa Red Sea noong Hulyo matapos ang pag-atake ng grupo, ayon sa opisyal ng ship operator at isang maritime security source na nakausap ng Reuters nitong Miyerkules.
Iniwan ng crew ang Liberia-flagged na barko matapos itong paulit-ulit na atakehin ng mga Houthi gamit ang sea drones at rocket-propelled grenades.
Nailigtas ng rescuers ang mga tripulante mula sa dagat, ngunit kalaunan ay ikinulong sila ng Houthis, kabilang ang isang security guard. Inakusahan ng US Mission in Yemen ang grupo ng “kidnapping” at nanawagan ng agarang pagpapalaya sa mga seafarer.
Siyam na Pilipinong seafarer, isang Ruso, at isang Indian national ang inaasahang aalis ng Yemen at darating sa Oman nitong Miyerkules, ayon sa Cosmoship Management.
Ilang araw bago ang insidente, inatake rin ng Houthis ang barkong Magic Seas, na nailigtas naman ang buong crew bago ito lumubog.
Ang serye ng pag-atake ay bahagi ng muling pag-usbong ng kampanya ng Iran-aligned fighters, na umatake sa higit 100 barko mula Nobyembre 2023 hanggang Disyembre 2024 bilang pakikiisa umano sa mga Palestino sa gitna ng opensiba ng Israel sa Gaza.













