Pinaigting ng Department of Agriculture (DA) ang kampanya sa pagbabakuna laban sa African Swine Fever (ASF) bilang bahagi ng pagsisikap na maibalik sa dating antas ang industriya ng baboy sa bansa.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., halos kalahating milyong baboy na ang nabakunahan laban sa ASF, habang nasa 65 porsiyento na ng mga lugar na naapektuhan ng sakit ang nakarekober.
Batay sa ulat ng Bureau of Animal Industry (BAI), umabot sa 499,008 doses o katumbas ng 99.8 porsiyentong utilization ang naiturok mula 2024 hanggang unang kalahati ng 2026 sa pitong probinsiya.
Kabilang sa ginamit na bakuna ang AVAC ASF Live Vaccine na nagmula sa Vietnam.
Bukod sa pagbabakuna, pinalalakas din ng DA ang proteksyon sa mga komunidad sa pamamagitan ng Community Animal Biosecurity Interventions o CABI.
Namahagi rin ang ahensya ng kabuuang P49.824 milyong tulong pinansyal sa mga apektadong magbababoy sa walong rehiyon.
Layunin ng mga hakbang na maibalik ang lokal na produksyon ng baboy sa antas bago tumama ang ASF noong 2019, kung kailan nasa humigit-kumulang 13 milyon ang populasyon ng mga baboy sa bansa.
Sa kabila nito, nananatili pa ring aktibo ang ASF sa 236 barangay sa 23 probinsiya, habang 716 na lugar naman ang nakategorya bilang buffer zones.
Dahil dito, patuloy ang panawagan ng DA sa mga magbababoy na mahigpit na ipatupad ang mga hakbang sa biosecurity upang maiwasan ang pagkalat ng sakit at mapabilis ang pagbangon ng industriya ng baboy sa bansa.













