KALIBO, Aklan — Aprubado na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB-Region 6) ang dagdag na P37 hanggang P45 sa arawang minimum na sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa Western Visayas.
Ayon kay Atty. Sixto Rodriguez Jr., chairperson ng RTWPB-6 at regional director ng Department of Labor and Employment (DOLE)-6, kasunod ito ng serye ng
public consultations sa Aklan, Iloilo City at Bacolod City.
Aniya, nilagdaan na ng lupon ang bagong wage order at kasalukuyang nire-review ng NWPC upang matiyak na ito ay sumusunod sa umiiral na mga batas at regulasyon sa sahod.
Sa oras na maaprubahan, ito ay ipa-publish at magiging epektibo makalipas ang 15 araw o posibleng sa Nobyembre 19.
Dahil dito, mula sa P513 tataas sa P550 ang daily minimum wage para sa non-agriculture sector, industrial, at commercial establishments na may higit sa 10 manggagawa habang ang mga establisimyento na may 10 o mas kaunting manggagawa ay tataas ng P530 mula sa P485.
Samantala, para sa agriculture, tataas ng P520 ang sahod mula sa P480.
Para sa mga kasambahay, tataas ng P500 ang buwanang sahod, mula P6,000 tungo sa P6,500.
Nauna dito, iginiit ng mga grupo ng manggagawa ang P200 na dagdag sahod sa buong rehiyon, ngunit nagpahayag ng pangamba ang mga negosyante at mga service providers sa kakayahang pinansyal ng mga maliliit na negosyo na maipatupad ang naturang malaking dagdag, lalo at marami pa umano ang bumabangon mula sa mga epekto ng mga krisis pang-ekonomiya.
Binigyang-diin ni Rodriguez na maingat na tinimbang ng lupon ang kapakanan ng parehong panig bago inaprubahan ang naturang dagdag-sahod.












