-- ADVERTISEMENT --

Nananatiling sarado ang Parish Church of St. John the Baptist batay sa kautusan ng Archdiocese of Ozamis sa Misamis Occidental matapos umanong lapastanganin ng isang vlogger ang benditadong tubig sa loob ng simbahan.

Nabatid na isang 28-anyos na babaeng vlogger ang diumano’y dumura sa holy water font habang nagvi-video para sa kanyang vlog nitong nakaraang Linggo.

Ang vlogger, na may tinatayang 115,000 followers sa social media para sa kanyang nakakatawang nilalaman, ay agad ding binura ang naturang video.

Gayunman, umani ito ng matinding batikos mula sa mga deboto na itinuturing ang ginawa bilang paglapastangan sa kanilang banal na lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Noong Martes, kinondena ni Archbishop Martin Sarmiento Jumoad ang insidente, na kanyang tinawag na “malubhang paglapastangan sa kabanalan ng mga sagradong bagay.”

Bilang tugon, ipinag-utos ng arsobispo ang pansamantalang pagsasara ng simbahan hanggang maisagawa ang pastoral na pagsusuri at mga gawaing penitensyal.

Isang “Holy Hour of Adoration” at “Solemn Confessions” ang itinakda ngayong Agosto 7, alas-3 ng hapon, bilang tanda ng pagsisisi.

Pinaalalahanan din ng arkidiyosesis ang mga mananampalataya na igalang ang mga sagradong bagay. Via Remate