KALIBO, Aklan — Nagsumite ng irrevocable resignation si Aklan 2nd district board member Jose Ceciron Lorenzo Haresco bilang miyembro ng 20th Sangguniang Panlalawigan, dahil umano sa “personal at family matters.”
Ang resignation letter ay binasa ni SP Member Apolinar Cleope sa plenaryo ng 4th Regular Session.
Iginiit ni SP Haresco na ang pagresign nito ay bunsod ng “pressing personal and family commitments which regrettably prevent me from continuing to serve in public office.”
Hiniling pa nito na ilagay sa record ng opisyal na journal ng proceedings nang session ang kanyang pagbibitiw sa pwesto.
Binigyan ng kopya ng kanyang resignation letter ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Commission on Election (COMELEC), Nasyonalista Party at tanggapan ng gobernador.
Matatandaan na nanalo si Haresco noong nakaraang May 12, 2025 sa Midterm Election bilang miyembro ng Sangguniang Panlalwigan 2nd district ng Aklan na nakakuha ng may pinakamataas na boto na 92,199.
Nakatakda pa sanang magtatapos ang kanyang unang termino sa taong 2028.
Sa naturang eleksyon, natalo ang kanyang amang si dating Aklan 2nd district Congressman Teodorico “Ted” Haresco.