Patay na nang makarating sa Bugasong Medicare Hospital ang dalawang estudyante habang sugatan naman ang siyam na iba pa kabilang ang driver ng L300 van matapos na bumaliktad at inararo nito ang bakod ng isang bahay sa gilid ng national highway na sakop ng Barangay Cadajug sa bayan ng Laua-an, Antique.
Kinilala ang mga nasawi na sina Geiril Farajillo Templora, 21-anyos, residente ng Barangay Guinsang-an, Hamtic at Kristinelle Granada Estandarte, 20-anyos, residente naman ng District 1, Sibalom, Antique.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo kay Police Executive Master Sergeant Jeanith Garcesa, deputy chief of police ng Laua-an Municipal Police Station, mula ang van sakay ang mga estudyante ng University of Antique main campus sa bayan ng Culasi kung saan, nagtanghal ang mga ito sayaw para sa Linggo ng Kabataan.
Pagdating nila sa lugar ay nag-overtake ang sumusunod sa kanila na isa pang van kung saan, imbes na bumangga sa likurang bahagi ng sasakyan ay kinabig ng driver na si Soriano Almonte, 57-anyos at residente ng Barangay San Francisco Sur, Tibiao, Antique ang manibela na naging dahilan ng aksidente.
Hindi na nakaabot ng buhay sa pagamutan ang dalawang mag-aaral na nagtamo ng fatal na lastro sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang sugatan naman ang iba na patuloy na ginagamot sa magkahiwalay na ospital sa lalawigan ng Antique.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing aksidente.