Nagbigay ng karangalan sa lalawigan ng Aklan ang dalawang batang mag-aaral matapos silang magwagi sa Singapore Math Global Finals 2026 na ginanap kamakailan.
Kinilala ang gold awardee na si Maddox Flynn Roldan Sison, Grade 1 at bronze awardee si Laijohn Jacob Daroy Jimenez, Grade 3, kapwa mag-aaral ng Infant Jesus Academy sa bayan ng Kalibo.
Ang dalawa ay nagpakitang-gilas sa prestihiyosong international math competition sa pamamagitan ng online, kung saan lumahok ang mga estudyante mula sa iba’t ibang bansa.
Ipinamalas nila ang kanilang husay sa problem-solving at analytical skills laban sa mahuhusay na kalahok sa buong mundo.
Ang Singapore Math Global Finals ay isang pandaigdigang kompetisyon na bukas sa mga piling estudyanteng nakapasa sa mga naunang qualifying rounds, na naglalayong sukatin ang kakayahan ng kabataan sa matematika sa international standards.
Ayon kay Ian Sison, ama ni Maddox na sa murang edad ay nakitaan na ng galing sa Math ang kanyang anak na namana nito sa kanyang ina.
Dagdag pa nito na patuloy nilang susuportahan ang kanilang anak sa pagsabak sa iba pang mga international competitions.
Maliban sa kanilang paaralan, ipinagmamalaki rin ng lokal na pamahalaan ng Aklan ang tagumpay ng dalawang bata, kung saan, makikita umanong kayang makipagsabayan ng mga mag-aaral mula sa Aklan sa global stage.












