Magkakahiwalay na inihain sa House of Representatives nitong Lunes ang dalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ang unang reklamo ay isinampa nina dating mambabatas France Castro at Neri Colmenares at inendorso ng Makabayan bloc. Nakapaloob dito ang alegasyon ng betrayal of public trust at umano’y anomalya sa paggamit ng P612.5 milyon na confidential funds ng Office of the Vice President at sa DepEd mula December 2022 hanggang ikatlong quarter ng 2023, kabilang ang paglalagay ng umano’y “pekeng” pangalan sa liquidation reports.
Ang ikalawang impeachment complaint ay isinampa ng Tindig Pilipinas kasama ang iba pang youth at sectoral leaders, at inendorso nina Reps. Leila de Lima, Perci Cendaña, at Chel Diokno. Nakapaloob dito ang alegasyon ni Ramil Madriaga laban kay Duterte, na kinabibilangan ng korapsyon at pag-abuso sa kapangyarihan.
Nanawagan ang ilang mambabatas na ideklara ng Committee on Justice na sufficient in form and substance ang mga reklamo upang makausad sa deliberasyon ang impeachment process.













