Inamin ng dating Undersecretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Roberto Bernardo nitong Huwebes ang pagkakamali sa mga iregularidad sa ilang flood control projects.
Sa nagpapatuloy na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Bernardo na siya ay nag-apply bilang state witness matapos ang kanyang pag-amin.
“Ako po ay umaamin sa aking maling nagawa. Ako po ay hindi naging matatag at tapat sa pagpapatupad ng tungkulin na ipinagkatiwala sa akin ng ating pamahalaan at sambayanan. Taos-puso at puno ng pagsisisi na ako ay humihingi ng kapatawaran sa Diyos, sa ating bansa, at sa ating mga kababayan, gayundin sa aking pamilya, mga kaibigan, at sa lahat ng aking binigo,” ayon kay Bernardo.
“Nakagawa ako ng pagkakamali at pinahintulutan ko ang aking sarili na maging kasangkapan sa pagpapatupad ng isang masamang gawain. Handa akong gawin ang lahat ng nararapat upang maitama ang aking pagkakamali at maiwasan na ito’y muling mangyari,” dagdag pa niya.
Noong Martes, inamin rin ng sinibak na district engineer ng unang distrito ng Bulacan na si Henry Alcantara na nakipagsabwatan siya kay Bernardo sa pamimigay ng “komisyon” mula sa mga flood control projects sa mga kampo nina Senador Jinggoy Estrada at Joel Villanueva, dating senador Bong Revilla Jr., Ako Bicol Rep. Zaldy Co, at dating kinatawan ng Caloocan na si Mitch Cajayon.