Humiling ang mga piskal na patawan ng death penalty si dating Pangulo Yoon Suk Yeol kaugnay ng kanyang pagtatangkang magdeklara ng martial law noong Disyembre 2024. Inakusahan si Yoon bilang “ringleader ng insurrection” sa korte sa Seoul, na nagdulot ng panandaliang kaguluhan sa politika at humantong sa kanyang impeachment at pagkakakulong.
Bagama’t itinanggi ni Yoon ang mga paratang at sinabing simbolikong hakbang lamang ang martial law, iginiit ng mga piskal na may marahas na intensyon ang kanyang aksyon. Kasama sa ebidensya ang testimoniya ng opisyal ng militar at isang memo mula sa tagaplano ng martial law na nagmumungkahi ng pag-aalis ng daan-daang tao, kabilang ang mga mamamahayag at aktibista.
Pinagsama rin ang kaso ni Yoon sa dalawang dating opisyal ng kanyang administrasyon, sina dating Defense Minister Kim Yong-hyun at dating hepe ng pulisya Cho Ji-ho. Inaasahang ihahayag ang hatol at sentensiya sa Pebrero.
Si Yoon ay nananatiling nakakulong at nahaharap na rin sa iba pang kasong kriminal, kabilang ang hiling ng piskal na patawan siya ng 10-taong pagkakakulong para sa obstruction of justice at kaugnay na kaso.













