Tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) na may sapat na pondo ang pamahalaan para sa mga hakbang sa pagtugon at pagbangon sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad, lalo na ng matinding pagbaha dulot ng pinalakas na habagat.
Ayon sa DBM, nakalaan na sa pambansang badyet ang National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) na maaaring gamitin sa panahon ng sakuna. Bukod dito, may mga standby fund din ang mga frontline agencies para sa relief at recovery operations, kabilang ang Quick Response Fund (QRF) na maaaring hilinging mapunan muli kapag naubos na ang kalahati ng pondo.
Handa ang DBM na agad iproseso ang pagpapalabas ng pondo basta’t kumpleto ang mga kinakailangang dokumento.
Hinimok din ng DBM ang mga ahensya ng pamahalaan na tiyaking maayos at wasto ang paggamit ng pondo upang mapakinabangan ito ng mga lubos na nangangailangan.