Nanawagan si House Deputy Minority Leader Rep. Leila M. de Lima ng Mamamayang Liberal Partylist sa agarang pagpasa ng panukalang batas laban sa extrajudicial killings (EJK) kasabay ng ika-8 anibersaryo ng pagpaslang kay Kian delos Santos noong Agosto 16.
Ang House Bill No. 1432 na inihain ni De Lima nitong Hulyo 2025 ay naglalayong magtakda ng depinisyon at parusa sa EJK, kabilang ang habambuhay na pagkakakulong nang walang parole.
Nakasaad din sa panukala ang pagbuo ng Inter-Agency Council Against Extrajudicial Killings upang papanagutin ang mga nasa likod ng pamamaslang, kabilang ang mga ahensya ng estado at pribadong indibidwal.
Giit ni De Lima, ang pagkamatay ni Delos Santos ay sumalamin sa “karahasan at kabiguan ng war on drugs” sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na ngayo’y nakadetine sa International Criminal Court sa The Netherlands dahil sa kasong crimes against humanity.
Binigyang-diin din ni De Lima ang pangangailangan ng pondo para sa kompensasyon ng mga pamilya ng mga biktima ng EJK at nanawagan ng hustisya para sa mga pinaslang, lalo na ang mga inosente.
Batay sa datos ng gobyerno, nasa 6,000 ang napatay sa drug war ng Duterte, subalit tinatayang nasa 30,000 ang bilang ayon sa mga internasyonal na human rights groups.