Isinusulong ng Department of Education (DepEd) na mas lalong mapalakas ang implementasyon ng Comprehensive Sexuality Education (CSE) sa mga paaralan.
Kasunod ito sa nakakabahalang datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan, isa sa bawat sampung sanggol na ipinanganak noong 2023 ay mula sa inang menor de edad.
Mula 2019 hanggang 2023, patuloy na tumataas ang bilang ng live births sa edad 14 pababa at 15 hanggang 19 anyos.
Ipinaliwanag sa Bombo Radyo ni Mr. Hernani Escullar Jr, tagapagsalita ng DepEd Western Visayas, ang Comprehensive Sexuality Education aniya ay itinuturing na holistic approach ng ahensya sa ilalim ng Prevention of Adolescent Pregnancy Act.
Ang CSE ay nananatiling nakatutok sa kalusugan at kapakanan ng kabataan kung saan, nakikipagtulungan ang ahensya sa iba’t ibang stakeholders upang matiyak ang tama at sensitibong pagpatupad ng programa.
Nabatid na sa Western Visayas, tumaas ang bilang ng live births mula 85 noong 2019 patungo sa 111 noong 2022 at 103 naman noong 2023 para sa mga ina na nasa edad 10 hanggang 14 anyos.
Kaugnay nito, tiniyak ni Escullar na ang nasabing programa ay layon nitong ipabatid sa kabataan ang kanilang tungkulin at responsibilidad na pangalagaan ang kanilang kalusugan sa batang edad.