
Inaatasan ng Department of Education ang lahat ng pribadong Senior High School na kumuha ng Government Recognition bago ang School Year 2027–2028 bilang bahagi ng paghihigpit sa regulasyon at pagpapatibay ng kalidad ng edukasyon.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 12, series of 2026, papalitan na ang provisional permits ng permanenteng recognition system para sa mga pribadong SHS. Kabilang sa susuriin ng DepEd ang kurikulum, pamunuan, pasilidad, suporta sa mag-aaral, kakayahan ng guro, at pinansyal na kalagayan ng paaralan.
Magkakaroon ng transition period sa School Year 2026–2027 upang mabigyan ng panahon ang mga paaralan na makasunod sa bagong requirements. Simula School Year 2027–2028, tanging mga pribadong SHS na may Government Recognition lamang ang maaaring tumanggap ng Grade 11 students sa ilalim ng SHS Voucher Program.
Sa kasalukuyan, 38 porsiyento ng mga SHS sa bansa ay pinapatakbo ng pribadong sektor at nagsisilbi sa tinatayang 1.46 milyong mag-aaral.












