
Nanawagan si Education Secretary Sonny Angara sa mga lokal na pamahalaan na makibahagi sa pagpapabilis ng pagpapatayo ng mga silid-aralan sa buong bansa sa pamamagitan ng isang mas flexible na mekanismo ng konstruksiyon. Ang panukala ay inilatag sa isang dayalogo na dinaluhan ng mahigit 200 alkalde sa San Juan City.
Sa ilalim ng balangkas, ang Department of Education ang mangangasiwa sa pagtukoy ng mga prayoridad na paaralan, pagbibigay ng disenyo at pamantayan, pag-apruba ng mga plano, inspeksiyon, at pagpapalabas ng pondo, habang ang mga LGU ang mangunguna sa aktuwal na implementasyon ng mga proyekto. Pananagutan din ng mga LGU ang anumang depekto sa konstruksiyon, at ang mga natapos na gusali ay ituturing na ari-arian ng DepEd na sasailalim sa pinagsamang monitoring at audit.
Kinakailangan ng mga LGU na magsumite ng mga rekisitos upang makalahok sa programa. Kasabay nito, mas paiigtingin din ang pagbabantay sa mga silid-aralang nasa ilalim ng Department of Public Works and Highways upang mapabilis ang pag-uulat at progreso ng mga proyekto.












