Inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang Paaralang Bukas Dashboard, isang transparency portal na layong ipakita sa publiko ang datos hinggil sa performance at pangangailangan ng mga paaralan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, magiging bukas at madaling ma-access ang impormasyon tulad ng resulta ng Early Language, Literacy and Numeracy Assessment at National Achievement Tests para sa SY 2023-2024, gayundin ang datos sa enrollment, pasilidad, utilities at pondo para sa maintenance ng mga pampublikong paaralan.
Binigyang-diin ni Angara na magsisilbing tulay ang portal sa pagitan ng pamumuhunan ng gobyerno sa edukasyon at aktibong partisipasyon ng publiko sa pagsusubaybay at pag-aambag ng solusyon.
Dagdag ni DepEd Undersecretary Ronald Mendoza, ang inisyatiba ay hakbang tungo sa mas malinaw na pananagutan at pakikilahok ng mga stakeholder, alinsunod sa layunin ng Open Government Partnership kung saan kabilang ang Pilipinas bilang founding member.