Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na nagpapatupad ito ng mga hakbang upang matiyak ang tuloy-tuloy na edukasyon sa kabila ng mga kanselasyon ng klase dulot ng Bagyong Emong, Bagyong Dante, at habagat.
Kasama sa mga inisyatibo ang flexible learning policy na nagbibigay ng alternatibong paraan ng pag-aaral tulad ng online classes, self-learning modules, at activity sheets. Inatasan din ang lahat ng paaralan na magpatupad ng Learning and Service Continuity Plans (LSCP), habang nagpapatuloy ang distribusyon ng mga tablet sa mga apektadong lugar.
May koordinasyon ang DepEd sa DILG at mga lokal na pamahalaan hinggil sa mga alituntunin sa pagsuspinde ng klase. Simula Disyembre 2024, papayagan na ang mga school head na magdeklara ng localized suspension kahit walang abiso mula sa LGU.
Ngayong Agosto, ilulunsad ang mobile modular classrooms bilang pansamantalang silid-aralan sa mga high-risk area. Ina-upgrade rin ang E-CAIR LIGTAS, isang AI tool na tumutukoy sa mga geohazard upang makatulong sa paghahanda ng mga paaralan.
Ayon sa pinakahuling ulat ng DepEd, nasa 24,648 pampublikong paaralan sa 16 na rehiyon ang nagsuspinde ng in-person classes, habang 270 paaralan ang pansamantalang ginagamit bilang evacuation centers.