KALIBO, Aklan — Nananatiling suspendido ang klase sa sampung barangay sa bayan ng Sibalom na ipinatupad simula noong Hulyo 3 matapos ang pagkalat ng hindi pa matukoy na mabahong amoy na naka-apekto sa kalusugan at mass hospitalization ng nasa 300 mga learners sa naturang lugar.
Ayon kay Mr. Hernani Escullar Jr., tagapagsalita ng DepEd Region 6 na maghihintay sila ng abiso mula sa mga local government units sa muling pagbabalik ng klase.
Pumunta aniya sa nasabing lugar si DepEd Regional Director Dr. Cristito Eco at iba pang opisyal ng ahensiya upang masiguro na ang lahat ng mga apektadong estudyante ay nakatanggap ng tamang pag-aalaga at suporta.
Aniya, pinayagan ang pagpapatupad ng distance modular learning sa mga apektadong paaralan habang nagsasagawa ng decontamination at safety assessment.
Inihahanda na rin umano ang mga serbisyong psychosocial support para sa mga estudyante at kani-kanilang pamilya upang matulungang makabangon mula sa traumatic na karanasan.
Pinuri naman ng DepEd ang mabilis at coordinated na pagtugon ng mga guro, healthcare workers, emergency responders, at mga lokal na opisyal sa agarang pagresponde sa mga biktima.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon at containment efforts habang nananatiling nakaalerto ang mga komunidad hanggang sa tuluyang matukoy at maresolba ang sanhi ng insidente.
Matatandaan na nagpalabas ng Executive Order si Mayor Gian Carlo F. Occeña noong Hulyo 2 na suspindihin pansamantala ang klase mula preschool hanggang senior high school sa mga barangay ng Pis-anan, Mabini, Nagdayao, Bontol, Panlagangan, Igcococ, Initan, Tulatula, Calooy, at Catmon.
Batay sa EO, nagkaroon ng isang “mass casualty incident” sa Pis-anan National High School at Pis-anan Central Elementary School noong araw ng Miyerkules.
Nagsimula ang insidente nang magreklamo ang mga estudyante mula sa naturang nga paaralan na may naamoy na kakaiba at matapang na amoy na mistulang sirang bayabas.
Kasunod nito, nagdulot ng mga sintomas kagaya ng pagsakit ng ulo, tiyan at dibdib, gayundin ang pagsusuka, pagkahilo, hirap sa paghinga at may ibang hinimatay pa.
Sinasabing nasa 300 mga estudyante ang apektado sa insidente.
Sinimulan na rin ang imbestigasyon ng mga eksperto mula sa Department of Health (DOH) Region 6 upang matukoy ang kemikal o substance na maaring naging sanhi ng insidente.
Sinasabing maaring umabot ng isang linggo bago matukoy ang eksaktong kemikal na nalanghap ng mga estudyante.
Nagsagawa na rin ang DOH-6 ng ocular inspection at nakakuha ng mga sample sa paligid para sa pagsusuri.