-- ADVERTISEMENT --

Humiling ang depensa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court na tanggalin sa kaso si Prosecutor Karim Khan dahil sa umano’y conflict of interest. Ayon sa depensa, dati raw nairepresenta ni Khan ang mga biktima ng war on drugs bago siya naging punong taga-usig ng ICC, kaya posibleng ginamit niya ang impormasyong iyon sa imbestigasyon.

Binanggit din ang mga alegasyon ng sexual misconduct laban kay Khan na nagdulot sa kanyang pansamantalang pagliban, na umano’y nakakaapekto sa kanyang pagiging patas. Tinukoy ng depensa ang Rome Statute na nagbabawal sa mga taga-usig na lumahok sa mga usaping may pagdududa sa kanilang pagiging patas.

Nakatakda ang confirmation of charges hearing sa Setyembre 23, 2025, kaya hiniling ng depensa na agad tugunan ang kanilang kahilingan upang maiwasan ang posibleng pagkapekto sa kaso.

Si Duterte ay inaresto noong Marso 11 sa Pilipinas dahil sa warrant mula sa ICC at kasalukuyang nakakulong sa The Hague dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs. Mahigit 6,000 drug suspects ang napatay sa ilalim ng kanyang administrasyon, habang tinatayang umabot sa 30,000 ang bilang ng mga nasawi ayon sa mga human rights groups.