Isinumite ng kampo ni Bise Presidente Sara Duterte ang kanilang 27-pahinang komento sa Korte Suprema nitong Martes bilang tugon sa mosyon ng Kamara na baligtarin ang naunang desisyon na nagbasura sa impeachment case laban sa kanya.
Pinangunahan ni Atty. Philip Sigfrid Fortun ang depensa at iginiit na matibay at legal ang naging pasya ng Korte noong Hulyo 25. Nauna nang idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang impeachment complaint laban kay Duterte dahil sa paglabag sa one-year ban rule at sa kanyang karapatang legal.
Ayon sa Kamara, sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG), mali umano ang interpretasyon ng Korte at nakikialam ito sa kapangyarihan ng Kongreso na magsagawa ng impeachment.
Bilang tugon, kinuwestiyon ng mga abogado ni Duterte ang legalidad ng apela, dahil wala umano itong pahintulot ng buong miyembro ng ika-20 Kongreso, kaya’t wala itong bisa at lumalabag sa proseso ng institusyon.