Ipinahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pag-aalala sa patuloy na pagdami ng mga Pilipinong nabibiktima ng human trafficking at na-trap sa mga scam centers sa buong Southeast Asia.
Bagama’t hindi tinukoy ng DFA ang eksaktong bilang ng mga kaso, inilarawan nito ang sitwasyon bilang “nakakaalarma.” Bilang tugon, nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa mga kalapit na bansa sa Mainland Southeast Asia, kabilang ang Thailand, Myanmar, Laos, at Cambodia, upang masugpo ang naturang iligal na gawain.
Tiniyak ng DFA ang tuloy-tuloy na pagtulong sa mga Pilipinong nasa distress at ang aktibong koordinasyon sa ibang mga bansa para sa kanilang kaligtasan at repatriation.
Hinimok din ng DFA ang publiko at mga overseas Filipino communities na suportahan ang mga inisyatiba ng gobyerno laban sa illegal recruitment at exploitation. Nanindigan ang ahensya sa patuloy na pagbibigay-proteksyon sa mga Pilipino sa ibang bansa.