Nag-alok ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng P10 milyong pabuya para sa impormasyong magtuturo sa agarang pag-aresto ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, na itinuturing na ngayon bilang pinaka-most wanted na pugante sa bansa.
Batay sa intelligence reports, ikinokonsiderang armado at mapanganib si Ang at nahaharap sa mabibigat na kaso kaugnay ng pagpatay at pagkawala ng mahigit 100 sabungero. Inatasan na ang buong puwersa ng Philippine National Police na paigtingin ang manhunt operations sa buong bansa, na isasagawa ayon sa legal na proseso.
Ang pabuya ay magmumula sa intelligence fund ng DILG at ibibigay sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong direktang hahantong sa pagkakaaresto ni Ang. Patuloy naman ang operasyon ng mga awtoridad matapos mabigo ang mga naunang pagsisilbi ng arrest warrant sa ilang lugar sa Metro Manila at mga karatig-probinsiya.













