-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang mag-asawang sina Pacifico “Curlee” Discaya at Cezarah “Sarah” Discaya, kasama ang tatlong dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Henry Alcantara, Brice Ericson Hernandez, at Jaypee Mendoza, ay itinuturing na protektadong saksi habang sumasailalim sa pagsusuri kung kwalipikado silang maging state witness.

Ayon kay Remulla, binibigyan ng gobyerno ng seguridad ang mga ito, kabilang ang kanilang mga pamilya, habang isinasagawa ang masusing pag-aaral sa kanilang aplikasyon sa Witness Protection Program (WPP).

Paliwanag niya, ang pagiging ganap na state witness ay hindi agad naibibigay at dumadaan sa masusing proseso. Isa sa mga pangunahing konsiderasyon ay kung hindi sila ang “pinakamay-sala” sa kaso.

Dagdag pa ni Remulla, may mga bagong pangalan nang lumutang sa imbestigasyon matapos ang paunang pakikipag-ugnayan kina Hernandez at Alcantara.

Samantala, ikinatuwa rin ng DOJ ang boluntaryong pagsuko ng ilang ari-arian, kabilang ang mga mamahaling sasakyan, ng Discaya couple, Alcantara, at Hernandez.

-- ADVERTISEMENT --