Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Transportation Secretary Vince Dizon bilang bagong kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos tanggapin ang pagbibitiw ni dating kalihim Manuel Bonoan.
Ayon sa Malacañang, inatasan si Dizon na magsagawa ng “full organizational sweep” upang matiyak na ang pondo ng bayan ay mapupunta lamang sa makabuluhang imprastruktura.
Samantala, hinirang si Atty. Giovanni Lopez bilang acting transportation secretary upang ipagpatuloy ang mga programa sa modernisasyon at kaligtasan ng mga commuter.
Kasabay nito, bumuo si Marcos ng Independent Commission to Investigate Flood Control Anomalies upang silipin ang mga proyekto, tukuyin ang iregularidad, at papanagutin ang tiwaling opisyal.
Matatandaang nag-reshuffle si Bonoan ng ilang district engineers at pansamantalang ipinagbawal ang personal foreign travel ng mga tauhan ng DPWH bago magbitiw.
Lumitaw ang kontrobersiya matapos isiwalat ni Marcos na 15 kontratista ang nakakuha ng mahigit ₱109 bilyong flood control projects mula 2022 hanggang 2025, sa kabila ng patuloy na problema sa pagbaha.