-- ADVERTISEMENT --

Inilunsad ng Department of Health (DOH) ang pagpapalawak ng leptospirosis fast lanes mula 27 hanggang 49 ospital sa buong bansa bilang tugon sa pagtaas ng kaso ng sakit dulot ng leptospirosis.

Layunin ng inisyatibong ito na mapabilis ang pagsusuri, paggamot, at agarang medikal na atensiyon sa mga pasyenteng may sintomas ng waterborne bacterial infection, na karaniwang tumataas matapos ang pagbaha.

Ang leptospirosis fast lanes ay mga espesyal na lugar sa ospital kung saan pinadadali ang proseso ng pagtanggap at paggamot ng mga pasyente, kabilang ang laboratory testing, pagbibigay ng antibiotics, at iba pang suporta sa pangangalaga.

Batay sa datos ng DOH mula Hunyo 8 hanggang Agosto 7, 2025, naitala ang 2,396 kaso ng leptospirosis mula isang linggo matapos ideklara ng PAGASA ang simula ng tag-ulan.

Ayon sa DOH, posibleng bumagal na ang pagtaas ng mga kaso dahil malamang ay lumipas na ang incubation period na umaabot mula dalawang hanggang 30 araw, at karaniwang tumataas ang kaso isa hanggang dalawang linggo pagkatapos ng pagbaha.

-- ADVERTISEMENT --