HEALTH News – Plano ng Department of Health (DOH) na magtatag ng mga anti-vape at anti-tobacco student councils sa mga paaralan sa buong bansa upang itaguyod ang kaalaman ukol sa panganib ng paggamit ng tobacco at vape.
Unang itatatag ang ganitong council ng mga student leader mula sa Eusebio High School sa Pasig City. Layunin ng DOH na gawing vape- at tobacco-free ang mga paaralan sa pamamagitan ng patuloy na kampanya kasama ang iba pang ahensya ng gobyerno, civil society, at kabataan.
Base sa datos ng World Health Organization (WHO) noong 2019, 12.5% ng kabataang Pilipino ang gumagamit ng tobacco habang 14.1% ang gumagamit ng e-cigarettes. Ayon pa sa ulat ng Global Burden of Disease noong 2021, nananatiling pangunahing sanhi ng kamatayan sa bansa ang paninigarilyo, na may 88,169 na naitalang pagkamatay noong nasabing taon.