Naglaan ang Department of Health (DOH) ng P33.6 milyon na halaga ng mga suplay pangkalusugan sa 11 rehiyon bilang bahagi ng paghahanda at pagtugon sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Tino at posibleng tamaan ng Bagyong Uwan.
Kabilang sa mga ipinamamahagi ang gamot, hygiene kits, at emergency health supplies na ipinwesto sa mga piling rehiyon sa Luzon, Visayas, at Mimaropa. Nakaantabay din ang tatlong Philippine Emergency Medical Assistance Teams para sa agarang deployment kung kinakailangan.
Ipinatutupad naman ng DOH ang price freeze sa 146 essential medicines sa ilalim ng state of calamity upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng gamot sa gitna ng kalamidad.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng kagawaran ang publiko na maging alerto, sundin ang mga abiso ng lokal na pamahalaan, at ihanda ang mga go bag bilang paghahanda sa posibleng epekto ng malalakas na ulan at hangin dala ng mga bagyo.












