Nanawagan ang Department of Health (DOH) ng tulong mula sa mga lokal na pamahalaan, health workers, at civil society groups upang maabot ang layuning mabakunahan ang 95% ng halos dalawang milyong batang Pilipino laban sa mga sakit na maaaring maiwasan.
Ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa sa post-SONA forum, mahalaga ang pagkumpleto ng bakuna laban sa tigdas, beke, rubella, polio, hepatitis, at diphtheria. Inatasan din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DOH na pabilisin ang programa upang makamit ang national immunization target.
Maglulunsad ng catch-up immunization campaign sa Setyembre at Oktubre para sa mga estudyanteng hindi pa nababakunahan.
Sa ilalim ng Purok Kalusugan initiative, umaasa ang DOH na matutukoy at maaabot ang mga batang kulang sa bakuna sa tulong ng barangay health workers. Lumabas din sa survey ng ahensya na 85% ng mga ina ay bukas sa pagpapabakuna, senyales ng mataas na vaccine confidence.
Hinimok ng DOH ang mga magulang na makipag-ugnayan sa kanilang mga health center upang matiyak na walang batang maiiwan sa kampanya.