Suportado ng Department of Health (DOH) ang mungkahi ni Senador Erwin Tulfo na gamitin ang pondo ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFP) para sa pagbili ng gamot at kagamitang medikal para sa mga nangangailangang pasyente.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, makakatulong ang panukala sa mas mabilis na pagbibigay ng tulong sa mga pasyente, lalo na sa mga ospital na may pagkaantala ng bayad dahil sa dokumentasyon. Tiniyak niyang may pondo ang ahensya at tuloy-tuloy ang bayaran basta’t kumpleto ang mga dokumento.
Inihain ni Tulfo noong Pebrero 2025 ang House Bill No. 11444, na naglalayong direktang ipamahala ng DOH ang MAIFP fund, sa halip na dumaan pa sa Kongreso. Layon ng panukala na pondohan ang maintenance, operasyon, gamot, at kagamitang medikal ng mga ospital.
Ayon sa DOH, makatutulong ito sa mas epektibo at agarang pagbibigay ng serbisyong medikal sa mga pampubliko at pribadong pagamutan.