Hindi ikinatuwa ng Department of Justice (DOJ) ang “heart” sign at mga pahayag ni Cezarah “Sarah” Discaya sa media nang dumalo siya sa DOJ noong Sabado.
Ayon sa isang opisyal ng DOJ, isasama ito sa pag-aaral sa kanyang kahilingan na maging state witness.
“The heart sign and the remarks of Ms. Sarah Discaya are all taken into account in the assessment and evaluation of the persons involved. It is a sign of insincerity and complacency,” pahayag ni DOJ spokesperson Jose Dominic Clavano IV.
“We urge all persons of interest in this case to behave accordingly,” dagdag pa ni Clavano.
Dahil na rin sa kanilang ginawang publicity efforts, nakasama sina Sarah at ang kanyang asawa na si Pacifico “Curlee” Discaya II sa hanay ng 15 kontratistang binanggit ni Pangulong Marcos Jr., na nakakuha ng 404 flood control projects na nagkakahalaga ng P30 bilyon sa loob lamang ng tatlong taon.
Noong Sabado, dumalo ang mag-asawa sa case buildup ng DOJ kaugnay ng mga personalidad na sangkot sa umano’y iregularidad sa mga flood control projects.
Pagdating sa DOJ, tumanggi muna si Sarah na magsalita sa media, ngunit sa kalagitnaan ng kanyang paglalakad, humarap siya sa mga kamera, tumagilid ng bahagya, at nagpakita ng “finger heart” sign na pinasikat ng mga Korean pop star.
Samantala, hiwalay na dumating si Curlee Discaya na may suot na bulletproof vest at may kasamang seguridad.
Sa mga pagdinig sa Kongreso, nag-alok ang mag-asawang Discaya na maging state witnesses at pinangalanan ang ilang mambabatas at opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umano’y humingi ng kickback na hanggang 25 porsyento matapos ipagkaloob sa kanila ang ilang proyekto ng gobyerno.
Kasalukuyang “protected witnesses” ang Discaya couple sa ilalim ng provisional Witness Protection Program (WPP) ng DOJ habang nakaantabay pa ang desisyon kung sila ay maaaring gawing state witness. Kung maaprubahan, maaari silang mapawalang-sala sa mga kasong kriminal at sibil.
Ipinaliwanag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, na una nang nag-alinlangan sa paglalagay sa kanila sa WPP, na ang mga testigo na nagnanais tumulong sa DOJ ay maaaring gawing protected witnesses, na may kasamang seguridad at iba pang benepisyo.
Pagkatapos ng pagpupulong noong Sabado, tinanong si Sarah ng media kung ano ang nangyari sa loob ng DOJ ngunit tumanggi siyang magbigay ng detalye. Sa halip, pabirong sinabi niya: “Gandahan niyo yung memes ko.”
Maliban sa Discaya couple, binigyan din ng provisional protected witness status ang mga dating DPWH engineers na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, at Undersecretary Roberto Bernardo.
Sa unang initial assessment ng DOJ noong nakaraang linggo, sinabi ni Remulla na ang ilan sa kanila ay nagpapakita ng “good faith” at gumagawa ng hakbang tungo sa “restitution.”