-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ng Department of Justice (DOJ) nitong Lunes ang pagpapatawag sa mga opisyal ng Villar Holdings Corp. kaugnay ng reklamo ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa umano’y market manipulation, insider trading, at kakulangan sa tamang disclosure.

Ayon sa DOJ, isasailalim sa preliminary investigation ang reklamo matapos ang paunang pagsusuri. Naipadala na rin ang subpoenas sa mga nasasakdal, kabilang sina dating Senador at Villar Land chair Manuel Villar Jr., dating Senador Cynthia Villar, at mga direktor na sina Cynthia Javarez, Manuel Paolo Villar, Senador Camille Villar, at Senador Mark Villar.

Nag-file ang SEC ng criminal complaint noong Enero laban sa Villar Land at kaugnay nitong mga entidad at opisyal, dahil sa diumano’y pagbaluktot ng presyo ng stock at maling impormasyon sa publiko. Natuklasan ng regulator na maagang inilabas ang financial statement ng kumpanya para sa 2024 na nag-ulat ng PHP1.33 trilyon sa assets, ngunit sa adjusted audited report, lumabas na PHP35.7 bilyon lamang ang totoong halaga.