
Humihiling ang Department of Tourism (DOT) ng PHP3.1 bilyong pondo para sa 2026, kabilang ang PHP500 milyon para sa promosyon at branding ng Pilipinas bilang global na destinasyon, ayon kay Kalihim Christina Frasco.
Ayon sa DOT, malaki ang kakulangan sa kasalukuyang pondo ng ahensya kumpara sa mga karatig-bansang may malalaking marketing budget. Mula PHP1.2 bilyon noong 2024, bumaba sa PHP200 milyon ang alokasyon para sa promosyon, at lalong lumiit sa PHP100 milyon para sa 2025.
Sa kabila ng budget cuts at mga hamon sa pandaigdigang turismo, nakapagtala pa rin ang bansa ng PHP3.86 trilyong tourism receipts noong 2023, at nakapagbigay ng trabaho sa mahigit anim na milyong Pilipino.
Kinilala rin ng DOT ang mga hadlang sa pag-angat ng turismo, tulad ng geopolitical tensions, paghina ng ekonomiya sa mga pangunahing merkado gaya ng South Korea, at ang patuloy na suspensyon ng eVisa para sa mga Chinese tourists.
Patuloy namang itataguyod ng ahensya ang Pilipinas sa mga pangunahing merkado gaya ng US, Canada, South Korea, at Gitnang Silangan. Binigyang-diin ni Frasco na mas malaking pondo ang kailangan upang makasabay ang Pilipinas sa mga kakompetensya.