-- ADVERTISEMENT --

Nangako ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na aayusin ang sistema ng budget planning upang maiwasan ang pagkaantala ng mga proyekto, kasunod ng inspeksyon sa nasirang bahagi ng MacArthur Highway sa Apalit, Pampanga na limang taon nang hindi naaayos dahil sa kakulangan umano ng pondo. Inatasan ang Pampanga 1st District Engineering Office na tapusin ang pagkukumpuni ng kalsada bago ang tag-ulan gamit ang natipid na pondo ng ahensya para sa 2025, habang tuloy ang imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects.

Sinuri rin ng DPWH ang bumagsak na road dike sa Barangay Cupang, Arayat na patuloy pang lumulubog at nagdudulot ng panganib sa mga residente. Humiling ang pamahalaang panlalawigan ng agarang solusyon laban sa posibleng pagbaha, habang pinag-aaralan ng ahensya ang panandalian at pangmatagalang hakbang tulad ng dredging at desilting ng Pampanga River at pag-update ng Pampanga River Basin Flood Control Master Plan. Tiniyak ng DPWH na pipili ng mga lehitimo at kwalipikadong kontratista para sa mga proyekto.