Tiwala ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa lakas ng ebidensiyang inihain sa kasong graft laban sa dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at iba pang sangkot sa umano’y anomalosong PHP289 milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro. Ayon sa ahensya, hindi umano pumasa sa pamantayan ang proyekto at may indikasyon ng sabwatan sa pagitan ng kontratista, ng dating mambabatas, at ilang opisyal ng DPWH.
Sinabi rin ng DPWH na dumaan sa tamang proseso ang imbestigasyon, kabilang ang pagsusuri ng Commission on Audit, at umaasa itong magiging patas ang magiging desisyon ng Sandiganbayan. Inaasahan ding haharap ang kalihim ng ahensya sa mga susunod pang pagdinig kaugnay ng kaparehong mga kaso sa Davao Occidental at Bulacan.
Samantala, nagpahayag ang Philippine National Police ng kahandaang tumulong sa muling beripikasyon ng mga flood control project matapos lumitaw ang isyu sa maling grid coordinates. Mahigit 10,000 proyekto na ang nasuri sa buong bansa, ngunit kinikilala ang pangangailangang muling balikan ang ilan upang matiyak ang pagsunod at matukoy ang posibleng anomalya.












