Umabot na sa PHP293 milyon ang kabuuang halaga ng tulong na ipinamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang naapektuhan ng sunod-sunod na kalamidad sa bansa, ayon sa ulat nitong Biyernes.
Aabot sa 1,380,087 pamilya o 4,934,207 indibidwal mula sa 5,501 barangay sa buong Pilipinas ang naapektuhan ng habagat at mga bagyong Crising, Dante, at Emong.
Patuloy ang distribusyon ng family food packs (FFPs), ready-to-eat food boxes, at non-food items tulad ng kumot, hygiene kits, kitchen kits, at water filtration units sa mga lugar na labis na naapektuhan ng pagbaha at pag-ulan.
Nakapamahagi na ang DSWD ng 431,722 FFPs at 3,903 kahon ng handang kainin na pagkain.
Ayon sa ahensya, pinaigting pa ang koordinasyon sa mga local government units (LGUs) upang masigurong walang maiiwan sa pagbibigay ng tulong sa panahon ng sakuna.
Patuloy ring minomonitor ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian ang kalagayan ng mga evacuees upang matiyak ang sapat na suplay ng kanilang pangunahing pangangailangan.