KALIBO, Aklan—Umabot sa kabuuang 77,997 families o katumbas ng nasa 28,412 individuals mula sa 554 barangays sa buong Western Visayas ang naayudahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) region VI kasunod nang pananalasa ng Southwest Monsoon na pinalakas ng nagdaang Bagyong Crising.
Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni Therese Fely Legaste, regional information officer ng DSWD region 6, karamihan sa malaking bilang ng mga apektadong pamilya ay mula sa lalawigan ng Antique at Negros Occidental na lubusang nalubog sa baha at natabunan ang ilang kabahayan dahil sa landslide.
Kaugnay nito, nasa P19.6 milyon pesos worth of assistance na kinabibilangan ng family food packs and non-food items ang naibigay ng ahensya katuwang ang mga kinauukulang Local Government Unit (LGU) sa mga pamilyang apektado ng kalamidad sa buong rehiyon.
Sa kasalukuyan aniya batay sa kanilang record, nasa 1,943 families pa ang nananatili sa mga evacuation centers habang nasa 11,381 naman ang mga maituturing na displaced families dahil sa nasiraan ang mga ito ng bahay at pansamantalang nanunuluyan sa kanilang mga kaanak.
Sa kabilang dako, tiniyak ng ahensya na walang dapat na ikabahala ang publiko na baka mawalan ng ayuda sa muling nagbabadya na masamang panahon dahil sa may naka-standby pang resources at standby fund ang DSWD na kanilang gagamitin sa response effort sa buong rehiyon.