-- ADVERTISEMENT --

Patuloy ang koordinasyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga quick response team sa bawat lugar na naapektuhan ng Bagyong Opong para sa pagbibigay-suporta sa mga lokal na pamahalaan sa pagtulong sa mga apektadong mamamayan.

Ayon kay Therese Fely Legaste, Regional Information Officer ng DSWD Field Office 6, batay sa DROMIC report, sa kasalukuyan ay nakapaghatid na sila ng mahigit P22.9 milyon na halaga ng tulong, kabilang ang mga family food packs at non-food items.

Sa kabuuan, umabot na sa P24.6 milyon ang kabuuang halaga ng tulong, kasama na rito ang mga assistance na naitala ng mga LGU.

Sa lalawigan ng Aklan, nakapaghatid na sila ng tulong na aabot sa P2.8 milyon; sa Antique, mahigit P4.2 milyon; sa Capiz, mahigit P3.2 milyon; at sa Guimaras, mahigit P1.2 milyon.

Dagdag pa niya, batay sa ulat, tinatayang 129,345 pamilya o 461,404 indibidwal ang naapektuhan ng nasabing bagyo sa buong Western Visayas.

-- ADVERTISEMENT --

Sa bilang na ito, 23,380 pamilya ang nanuluyan sa mga evacuation center, ngunit sa kasalukuyan ay may 2,531 pamilya na lamang ang nananatili roon.

Samantala, kaugnay sa mga nasirang kabahayan, patuloy pa rin ang masusing pag-aaral at beripikasyon, subalit naipagkaloob na rin umano nila ang nararapat na tulong sa mga lokal na pamahalaan, kabilang na ang ayuda para sa mga pamilyang napinsala ang mga tahanan.

Tiniyak rin nila na may sapat na pondo ang kanilang ahensya sakaling muling maranasan ng rehiyon ang ganitong uri ng kalamidad.