-- ADVERTISEMENT --

Inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill 8418, na nagbibigay kapangyarihan sa pangulo na pansamantalang suspindihin o bawasan ang excise tax sa petroleum products sa panahon ng pambansa o pandaigdigang krisis sa ekonomiya.

Naipasa ang panukala sa botong 248 pabor at 3 tutol. Tumutol sina Atty. Renee Co ng Kabataan Partylist, Sarah Elago ng Gabriela Partylist, at Antonio Tinio ng ACT Teachers Partylist, na nagsabing pansamantalang solusyon lamang ito sa problema sa presyo ng langis.

Suportado naman ng ilang mambabatas ang panukala bilang agarang hakbang upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa gastusin sa pagkain, transportasyon at iba pang pangunahing bilihin. Isinusulong din ang mga pangmatagalang solusyon tulad ng pagpapalawak ng fuel subsidy, kabilang ang panukalang Fuel Subsidy Program Act na binanggit ni Leila de Lima.

Samantala, inaprubahan din ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang House Bill 8469, na naglalayong amyendahan ang Biofuels Act of 2006 upang payagan ang pansamantalang suspensyon ng obligadong paggamit ng locally sourced biofuels kapag mas mataas ang presyo nito kaysa sa purong gasolina o diesel.

Minarkahan naman bilang urgent ni Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang amyenda sa Biofuels Act dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

-- ADVERTISEMENT --