-- ADVERTISEMENT --

Nasa kasagsagan ngayon ng training para sa nalalapit na laban sa American boxer na si Alexis Gaytan sa Hulyo 19 sa Las Vegas, ‘humugot’ si Eumir Felix Marcial at nagpasalamat sa mga tao na aniya’y hindi siya iniwan sa gitna ng kaniyang pinagdadaanan na hamon sa buhay.

Isa si Marcial sa mga lalaban bilang undercard sa title bout ng nag-iisang eight division world champion Manny “Pacman” Pacquiao laban sa WBC welterweight champion Mario “El Azteca” Barrios sa Hulyo 20, oras sa Pilipinas sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.

Sa nalalabing dalawang linggo bago ang pagbabalik sa ring, patuloy na kumakayod ang 29-anyos na southpaw na si Marcial na layuning pataasin pa ang rankings sa 160-pound division upang makalapit sa world title fight, na huling beses nakita sa pro fight laban kay Thoedsak Sinam ng Thailand na nagtapos sa fourth-round knockout noong Marso 23, 2024 sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

Kasalukuyang nakatutok sa pagpakondisyon sa pagsuntok sa mitts at sparring sessions ang two-time Olympian na tiyak huhugot sa mga kinakaharap na pasakit at hamon matapos madismaya sa nakaraang 2024 Paris Olympics nang maagang nahulog sa preliminary round laban kay 19th Hangzhou Asian Games bronze medalist Turabek Khabibullaev ng Uzbekistan sa pamamagitan ng 0-5 unanimous decision.