-- ADVERTISEMENT --

Pormal nang sinimulan ang “Exercise Alon 25”, ang pinakamalaking ehersisyong militar sa pagitan ng Pilipinas at Australia, na ginaganap mula Agosto 15 hanggang 29 sa iba’t ibang bahagi ng Luzon at Palawan.

Pinangungunahan ito ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Australian Defence Force (ADF), katuwang ang Royal Canadian Navy at United States Marine Corps – Marine Rotation Force Darwin. Mahigit 3,600 personnel ang kalahok sa drill ngayong taon.

Tampok sa pagsasanay ang live-fire exercises, amphibious landing, at maritime maneuvers sa mga training range at karagatan. Kasama rin sa mga aktibidad ang malawakang airlift operation ng Army battle group na binubuo ng armor, engineering, health, at artillery units bilang bahagi ng pagpapakita ng kakayahang mag-deploy ng pwersa sa Indo-Pacific region.

Simula nang ilunsad noong 2023, pinalawak na ang “Exercise Alon” upang isama ang pagsasanay sa lupa, himpapawid, dagat, pati na rin sa cyber at space capabilities, bilang bahagi ng pagpapatibay ng kooperasyong panseguridad sa Indo-Pacific.