Iginiit ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na may legal na batayan ang pansamantalang extradition ni Apollo Quiboloy sa Estados Unidos, sa ilalim ng PH-US Extradition Treaty. Ayon kay Hontiveros, pinapayagan ng Article 11 ng kasunduan ang paglipat ng isang akusado kahit may kaso sa Pilipinas, basta’t ibabalik ito matapos ang paglilitis sa abroad.
Tinukoy din niya ang matagal nang paghihintay ng mga umano’y biktima sa Amerika at ang paggamit umano ni Quiboloy ng impluwensiya upang makaiwas sa pananagutan.
Samantala, nanawagan si House Deputy Minority Leader at Akbayan Rep. Perci Cendaña sa Department of Justice na agad tugunan ang extradition request ng U.S. laban kay Quiboloy kaugnay ng mga kasong sex trafficking, pandaraya, at smuggling na isinampa sa California noong 2021.
Babala ni Cendaña, nananatiling makapangyarihan si Quiboloy kahit nakakulong, na posibleng makapigil sa imbestigasyon at makapinsala sa mga saksi. Suportado niya ang agarang extradition upang manaig ang hustisya, aniya, “walang sinuman ang nasa itaas ng batas.”