KALIBO, AKLAN — dismayado ang Federation of Free Farmers (FFF) sa pagkakatanggal sa puwesto ni dating Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno, na ayon kay dating Department of Agriculture (DA) Secretary at FFF Board Chairman Leonardo Montemayor ay maayos na ginampanan ang kanyang tungkulin sa pamahalaan.
Ayon kay Montemayor, kapansin-pansin ang naging performance ni Nepomuceno sa kabila ng wala pang anim na buwang panunungkulan nito.
Partikular niyang pinuri ang pinaigting na kampanya ng dating Customs chief laban sa agricultural smuggling, kung saan ilang hinihinalang smuggler ang nasakote at nakumpiskahan ng mga produktong agrikultural gaya ng carrots, sibuyas at iba pang gulay.
Binanggit din ni Montemayor ang pagkakadiskubre sa isang malaking bodega sa Valenzuela na umano’y naglalaman ng mga puslit na sibuyas at sigarilyo.
Bukod dito, iginiit niyang naitala ng Bureau of Customs ang mahigit P1 trilyong koleksiyon sa customs revenues sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng ahensiya.
Dagdag pa ni Montemayor, sa halip na tanggalin sa puwesto ang mga opisyal na nagpapakita ng magandang performance, nararapat lamang na suportahan at hikayatin ang mga ito upang maipagpatuloy ang kanilang mga programa.
Ipinahayag din ng opisyal ng FFF ang hinalang posibleng may malalaking negosyante at personalidad na naapektuhan ng pinaigting na kampanya laban sa smuggling, na maaaring may kaugnayan sa pagkakatanggal kay Nepomuceno.













