-- ADVERTISEMENT --

Umakyat ng 21.3% ang foreign direct investment (FDI) inflows ng Pilipinas sa $586 milyon noong Mayo mula $483 milyon noong nakaraang taon, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Tumaas ito dahil sa mas malalaking pautang mula sa dayuhang mamumuhunan at mga proyektong pang-manufacturing, bagama’t mas mababa pa rin ang kabuuang limang-buwang kung ikukumpara sa 2024.

Malaking bahagi ng pagtaas ay dulot ng 88.3% na pag-akyat sa net investments sa debt instruments, habang nanatiling $97 milyon ang reinvestment ng kita.

Bumagsak naman ng 61.4% ang net equity capital investments sa $62 milyon.

Pinakamaraming puhunan ang nagmula sa US, Japan, Singapore, at South Korea, na inilaan sa manufacturing, real estate, at sektor ng kuryente at enerhiya.

-- ADVERTISEMENT --

Mula Enero hanggang Mayo, bumaba ng 26.9% sa $3 bilyon ang kabuuang FDI kumpara sa $4 bilyon noong 2024, na apektado ng kawalan ng malinaw na polisiya, tensyong pandaigdig, at isyung pangtaripa.

Ayon sa mga eksperto, posibleng may bahagyang pagbangon sa huling bahagi ng taon kung magpapatuloy ang matatag na paglago ng ekonomiya at mga reporma sa pamumuhunan.