-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Nanawagan ang Federation of Free Farmers (FFF) ng agarang pansamantalang pagsuspinde sa importasyon ng baboy at pagrepaso sa pag-aangkat ng bigas dahil sa epekto nito sa mga lokal na magsasaka at hog raisers sa Pilipinas.

Ayon kay Leonardo Montemayor, chairman ng FFF, nahihirapan ang mga lokal na magbababoy dahil sa sobrang suplay ng imported pork at mababang taripa, na nagdudulot umano ng pagbebenta ng mga baboy sa presyong mas mababa sa gastos sa produksyon.

Paliwanag ni Montemayor, nasa ₱130 hanggang ₱135 kada kilo ang karaniwang production cost ng buhay na baboy, habang tinatayang umaabot sa ₱180 hanggang ₱185 kada kilo ang aktuwal na gastos sa pagpapalaki nito. Inihayag din niya na tinatayang ₱250 milyon kada araw ang pagkalugi ng sektor, kaya nananawagan ito ng agarang pagsususpinde sa karagdagang importasyon.

Samantala, hiniling din ni Montemayor na linawin ang proseso ng pag-aangkat ng bigas mula sa India at iba pang bansa sa pamamagitan ng Planters Products Inc. (PPI), kabilang ang pagtukoy sa katayuan nito kung ito ay isang government-owned and controlled corporation (GOCC) o pribadong korporasyon.

Nanawagan din siya kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na pansamantalang mag-leave of absence habang iniimbestigahan ang isyu ng nakumpiskang bigas mula Vietnam sa Davao City, dahil sa umano’y kaugnayan ng kalihim sa PPI at sa proseso ng pag-isyu ng mga permit sa pag-aangkat.

-- ADVERTISEMENT --