-- ADVERTISEMENT --

Isang “knockout punch” na hindi inaasahan ni Gen. Nicolas Torre III ang pagkakatanggal sa kanya bilang hepe ng Philippine National Police (PNP).

Si Torre, na minsang naging sikat sa publiko dahil sa mga high-profile na pag-aresto kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at televangelist Apollo Quiboloy, at kamakailan dahil sa pagkapanalo sa isang boxing match laban sa anak ni Duterte, ay pinalitan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., umaga ng Martes, Agosto 26.

Ayon sa mga ulat, tinanggal siya sa puwesto dahil sa pagsuway sa National Police Commission (Napolcom) matapos magsagawa ng reassignments ng mga matataas na opisyal ng PNP nang walang kaukulang pahintulot.

Ang desisyon ay ipinaabot sa pamamagitan ng sulat mula kay Executive Secretary Lucas Bersamin noong Agosto 25, kung saan sinabing “epektibo agad” ang pag-aalis kay Torre sa puwesto. Sa parehong liham, inirekomenda rin ni Bersamin si Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., miyembro ng PMA Class of 1992, bilang kapalit ni Torre.

-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ito ni DILG Secretary Jonvic Remulla sa isang press conference sa Camp Crame. Ayon kay Remulla, limang beses niyang tinangkang tawagan si Torre noong gabi ng Lunes upang ipaalam ang desisyon, ngunit hindi ito sumagot.

Noong Agosto 6, nagpalabas si Torre ng kautusan para sa reassignment ng 13 matataas na opisyal ng PNP, kabilang ang pumalit sa kanya na si Nartatez, na noon ay Deputy Chief for Administration kasama si Lt. Gen. Bernard Banac, Area Police Command Western Mindanao director.

Ngunit noong Agosto 14, naglabas ang Napolcom ng resolusyon na nagpapawalang-bisa sa kautusan ni Torre, at nag-utos na bawiin ito. Iginiit ng Napolcom na ang reassignment ng mga third-level officers, tulad ng mga may ranggong colonel pataas, ay kailangang aprubahan ng commission en banc.

Hindi sumunod si Torre at nakatanggap pa ng suporta mula sa ilang regional offices ng PNP, PNPA alumni, at ilang police units.

Sa isang press briefing noong Agosto 18, sinabi ni Torre na “naresolba na” ang isyu matapos ang dayalogo sa Napolcom. Gayunman, itinuloy pa rin ng Pangulo ang kanyang desisyon.

Nilinaw ni Remulla na walang nilabag na batas si Torre at wala ring kasong administratibo o kriminal laban sa kanya. “Ito ay simpleng desisyon ng Pangulo,” aniya.

Dagdag pa niya, naging maganda at produktibo ang relasyon nina Torre at Marcos. Tinawag pa nga ni Marcos si Torre bilang “sports icon” sa kanyang SONA noong Hulyo matapos ang default na panalo ni Torre sa isang charity boxing match laban kay Davao City Acting Mayor Sebastian Duterte.

Ayon sa mga insider ng PNP, hindi si Torre ang unang pinili para palitan si Gen. Rommel Marbil. Si Nartatez, isang Ilokano na tulad ng mga Marcos, ang tunay na “chief-in-waiting” umano.

Sa kanyang pag-upo bilang OIC ng PNP, sinabi ni Nartatez na sumusunod lamang siya sa utos. “Ang PNP ay isang dynamic organization. Bilang public servant, sumusunod tayo sa utos. Ito ay general order.”

Inatasan ni Marcos sina Nartatez at Remulla na maglatag ng mas pinatibay na citizen security strategy sa loob ng isang buwan. Ipinangako ni Nartatez na itutuloy ang mga proyekto ni Torre, kabilang ang community policing at mas pinabilis na response time ng pulisya.

Tututok siya sa crime prevention, cybercrime, operasyon kontra droga, at integridad sa serbisyo. Layunin niyang alisin ang mga “bugok” sa serbisyo upang mapanatili ang tiwala ng publiko.

Si Nartatez ay dating provincial director ng Ilocos Norte (2016–2018), at naging direktor ng PNP Finance Service at Calabarzon regional police. Kamakailan, siya ay naging NCRPO chief bago maitalaga bilang PNP Deputy Chief for Administration noong Oktubre 2024.