Tinanggihan ng gobyerno ng Australia ang pagiging host country para sa pansamantalang paglaya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa detention center ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Ayon kay Vice President Sara Duterte, isa ang Australia sa mga bansang ikinonsidera ng dating pangulo bilang host para sa kaniyang interim release. Aniya, nangako ang Melbourne na tutulong, ngunit walang inilabas na karagdagang detalye.
Batid ng Australia ang petisyon ni Duterte para sa pansamantalang paglaya ngunit ipinaubaya nito sa ICC ang pagdedesisyon sa ilalim ng Rome Statute, kung saan miyembro rin ang Australia.
Sa naunang petisyon na inihain noong Hunyo 12, sinabi ng defense team ni Duterte na may isang bansang nagpahayag ng kahandaan na tanggapin siya, ngunit hindi isinama sa dokumento ang pangalan ng nasabing bansa.