Wala nang buhay nang makita ang isang estudyante matapos na malunod habang namamana sa kadagatang sakop ng Brgy. Santander, Buruanga.
Kinilala ni PMSgt. Nederden Patani, imbestigador ng Buruanga Municipal Police Station ang biktima na si Christian John Armer Rivera, 22-anyos at residente ng Brgy. Bagumbayan sa nasabing bayan.
Base sa kanilang imbestigasyon, pinagkakakitaan sa nasabing lugar ang pamamana kung saan ginagawa ito ng estudyante kung wala siyang klase.
Subalit, posibleng nakaabot sa malalim na bahagi ng dagat ang biktima at hindi kaagad ito nakaahon na naging sanhi ng kanyang pagkalunod at agad na binawian ng buhay.
Una dito, pumunta sa dagat ang biktima kasama ang kanyang kaibigan ngunit hindi na ito nakauwi pa, dahilan para ireport ito sa mga awtoridad.
Dahil dito, kaagad na nangsagawa ng search and rescue operation ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office o MDRRMO-Buruanga, Philippine Coast Guard, Buruang PNP personnel at mga residente para mahanap ang biktima.
Sa huli, narekober ang katawan ng biktima na nakalubog sa ilalim ng dagat kung saan wala na itong pulso nang mai-ahon.
Si Rivera ay isang graduating student sa University of Antique sa kursong Hospitality Management.