-- ADVERTISEMENT --

Tinuligsa ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang plano ng Department of Education (DepEd) na magpalakas ng presensya ng pulis sa paligid ng mga paaralan upang labanan ang karahasan sa kabataan.

Ayon sa grupo, maaaring maging “extension ng police camps” ang mga paaralan at lumikha ng kultura ng takot sa mga estudyante.

Una rito, inihayag ni Education Secretary Sonny Angara na hiniling niya sa Philippine National Police (PNP) na dagdagan ang police visibility at sanayin ang barangay at school responders upang kaagad na makapagresponde sakaling may insidente ng karahasan.

Ngunit giit ng ACT, hindi nito masosolusyunan ang ugat ng problema at taliwas ito sa mga kautusan ng DepEd na nagdedeklara sa mga paaralan bilang “zones of peace.”

Binigyang-diin ni ACT chairperson Vladimer Quetua na ang mga paaralan ay dapat maging sentro ng pagkatuto at hindi lugar ng militarisasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Sa halip, panawagan ng grupo ang mas maraming guidance counselors, psychosocial services, at edukasyon para sa kapayapaan at hustisya, gayundin ang mas malaking pondo para sa edukasyon.