LEZO, Aklan — Dahil sa magaling na performance sa kampanya laban sa mga masamang elemento sa bayan ng Lezo, pinarangalan ng Police Regional Office (PRO)-6 ng “Medalya ng Kagalingan” si P/Capt. Gilbert Batiles, acting chief of police ng Lezo Municipal Police Station sa isang seremonya sa isinagawang flag raising ceremony sa Camp Gen. Martin Teofilo Delgado, Fort San Pedro, Iloilo City, araw ng Lunes, Hulyo 28.
Ito ay pinangunahan ni PRO6 Regional Director, PBGEN Josefino Ligan.
Ayon kay P/Capt. Batiles na ang natanggap na award ay testamento ng kanyang mabuting relasyon sa kanyang mga personnel at sa komunidad.
Dagdag pa nito na sa kahit anumang assignment na kanyang hinahawakan, ipinapakita nito ang kanyang mahusay na panunungkulan lakip ang responsibilidad, dedikasyon at mataas na standard ng moralidad.
Nabatid na ito na ang ika-tatlong “Medalya ng Kagalingan” award na natanggap ni Batiles kung saan ang unang pagkilala ay noong 2022 nang hepe siya ng Malinao Municipal Police Station gayundin noong 2023 nang maupo bilang chief of police ng Batan MPS.