-- ADVERTISEMENT --

Narekober na ng militar ng Israel ang bangkay ng huling bihag na naiwan sa Gaza matapos ang ilang buwang paghahanap na nagsimula kasunod ng tigil-putukan noong Oktubre. Ang naturang bihag ay kabilang sa mga dinukot sa pag-atake noong Oktubre 7, 2023.

Sa ilalim ng kasunduan sa ceasefire, itinakda ang pagbabalik ng lahat ng bihag—buhay man o patay—sa loob ng 72 oras. Naibalik na ang 20 buhay na Israeli hostages at ang mga labi ng 27 nasawing Israeli at dayuhan, habang naantala ang paghahanap sa huling bihag sa mga nakaraang linggo.

Ang matagumpay na retrieval ay nagbigay-daan sa muling pagbubukas ng pangunahing border crossing ng Gaza patungong Egypt at sa pag-usad ng ikalawang yugto ng peace plan na pinangungunahan ng Estados Unidos. Kabilang sa ikalawang yugto ang rekonstruksyon at demilitarisasyon ng Gaza.

Matatandaang 251 katao ang dinukot sa pag-atake noong 2023, kung saan humigit-kumulang 1,200 ang nasawi. Sa sumunod na mga taon, karamihan sa mga bihag ay pinalaya kapalit ng mga bilanggong Palestino. Samantala, umabot na sa mahigit 71,000 Palestino ang nasawi sa opensiba ng Israel sa Gaza.